Jonah na para bang may magtatangkang magnakaw nito.
"Isa itong byola. Medyo malaki siya ng kaunti sa byolin pero magkaiba sila ng tunog. Mas malumanay ito."
Hindi pa nakakakita nito si Caitlin. Gusto niya sanang ipakita ito sa kanya ni Jonah ngunit hindi man lang siya gumalaw. Tuloy pa rin ang kapit niya dito na tila ba pinoprotektahan niya ito. Isang bagay na personal sa kanya.
"Palagi ka bang nag-eensayo?"
"Ilang oras araw-araw." sagot niya.
"Ilang oras. Magaling ka siguro."
Nagkibit balikat lang si Jonah.
"Ok lang ako. Mas maraming magaling sa akin. Pero ninanais ko na ito ang makakatulong sa akin paalis ng lugar na ito."
"Matagal ko nang gustong matutong mag-pyano" sabi ni Caitlin.
"Bakit hindi".
Sasabihin sana niyang wala siyang pyano pero nagkibit balikat lamang siya at bumalik tingin sa kaniyang pagkain.
"Hindi mo kailangan ng pansariling pyano para matuto" sagot ni Jonah.
Nagulat si Caitlin na para bang nabasa niya ang kaniyang iniisip.
"Kahit pa madaming hindi maganda sa lugar na ito, nagbibigay dito ng libreng pagtuturo ng pyano. Magpalista ka lang."
Nanlaki ang mga mata ni Caitlin.
"Talaga?"
"Pumunta ka lang sa silid ng musika at hanapin si Ginang Lennox. Sabihin mo lang na kaibigan kita" sabi ni Jonah.
Kaibigan..nagustuhan ni Caitlin ang tunog nito. Napatingin siya sa luntiang niyang mga mata. Gusto niya sanang itanong kung bakit ang bait niya sa kanya, mayroon ba siyang kasintahan, ngunit pinigilan niya ang sarili niya.
Gusto pa niya sanang ipagpatuloy ang usapan kaya't pilit siyang nag-iisip ng pwede pang pag-usapan. Gusto niyang makasigurado na hindi ito ang huli nilang pagkikita. Ngunit nang sa akmang pagbukas ng kanyang bibig para magsalita ay siyang pagtunog ng bell.
Nagka-ingay na ulit lahat sa kantina. Tumayo na din si Jonah at kinuha ang kaniyang byola.
"Huli na ako" sabi niya. Kinuha din niya ang kaniyang trey sabay tingin sa trey ni Caitlin.
"Kunin ko na din trey mo?" Umiling lamang si Caitlin.
"Ah, ok. Una na ako" biglang nahihiyang sabi ni Jonah.
"Ummm, ok " bulong ni Caitlin.
*
Ang unang araw niya sa bago niyang eskwelahan ay natapos din. Lumabas si Caitlin. Hindi na niya alintana ang lamig. Pati ang gulo at ingay ng ibang mga estudyante sa paligid niya ay hindi na rin niya pansin. Mabilis na natapos ang araw na iyon. Wala man lang siyang maalalang pangalan ng kaniyang mga guro.
Magaan ang kaniyang pakiramdam. Nabuhayan siya ng loob. Lagi niyang naiisip si Jonah. Sana lang ay hindi siya naging kakatwa habang sila ay nasa kantina. Wala man lang siyang maayos na naitanong sa kanya. Kung bakit ba naman tungkol sa byola lang ang napag-usapan nila. Hindi man lang niya nalaman kung saan siya nakatira, saan niya planong mag-kolehiyo at kung mayroon ba siyang kasintahan. Pero ang isang katulad niya ay siguradong hindi mawawalan ng espesyal na tao sa buhay.
Sa oras ding iyon ay may dumaan na isang magandang Hispanic na babae. Maganda siya manamit. Napatitig si Caitlin sa kanya at nag-akalang siya ang babaeng iyon.
Lumiko siya sa kalye ng 134th. Biglang hindi niya alam kung saan siya pupunta. Hindi niya maalala kung nasaan ang apartment niya. Napatigil siya at nagulumihanan.
"Hey kaibigan!"
Napatingin siya at kanyang napagtanto na siya ay nasa harap ng isang maduming bodega. Apat na lalaki, na wari ay hindi alintana ang lamig, ang nakatingin sa kanya na para bang siya ang susunod nilang pagkain.
"Miss halika dito!" sigaw ng isa pa.
Kalye ng 132nd. Bigla niyang naalala at dali-dali siyang umalis patungo sa kanyang apartment. Ilang beses siyang lumilingon sakaling sinusundan siya ng mga lalaking iyon. Buti na lang at hindi.
Ramdam na naman niya ang matinding lamig sa kanyang pisngi. Unti-unti niyang napagtatanto ang lugar kung saan siya titira. Pinagmasdan niya ang kanyang paligid na puno ng mga kotseng inabandona, bandalismo at rehas sa bintana. Bigla niyang naramdaman ang pag-iisa at sobrang takot.
Tatlong bloke na lamang ang kailangan niyang lakarin papunta sa apartment pero pakiramdam niya ang tagal na niyang naglalakad. Inaasam asam niya na sana ay mayroon siyang kaibigan sa kaniyang tabi - mas maganda kung si Jonah - at bigla siyang nagtaka kung kakayanin niyang maglakad ng ganoon araw-araw. Naalala na naman niya ang kanyang galit sa kaniyang ina. Kung bakit lagi siyang nililipat lipat nito at sa mga lugar na hindi niya gusto. Kailan ba ito titigil?
Basag na salamin.
Bumilis ang tibok ng puso ni Caitlin. May nakita siyang kaguluhan sa may bandang kaliwa. Nagmadali siyang maglakad at umiwas ng tingin. Ngunit habang papalit siya ay naririnig niya ang kanilang mga sigaw at nakakikilabot na halakhak kaya't hindi niya mapigilang mapatingin sa kanilang ginagawa.
Apat na malalaking kabataang lalaki - baka mga nasa 18 o 19 - ang pinagtutulungan ang isa pang kabataang lalaki. Dalawa sa kanila ay hawak ang kaniyang mga braso, ang pangatlo ay sinuntok siya sa sikmura habang ang pang-apat ay sinuntok siya sa mukha. Ang pinagtutulungang bata ay posibleng 17 ang edad, matangkad, payat, walang kalaban laban at natumba sa lupa. Dalawa sa mga lalaki ay sinipa siya sa mukha.
Kahit natatakot si Caitlin, hindi niya mapigilang mapatitig sa nangyayari. Nagalala siyang baka mapatay nila ang lalaking iyon.
"Hindi!" sigaw ni Caitlin.
May narinig siyang tunog na parang may nabali habang sumipa sila. Tunog nang nabaling kahoy. Hanggang sa nakita niya na winawasak nila ang isang byola. Nakita niya kung paanong ito ay nagkapira-piraso.
Napatakip siya sa kaniyang bibig.
"Jonah?"
Walang ano ano'y biglang tumawid si Caitlin sa kabila ng kalsada. Napansin siya kagad ng apat na kabataan na nag-ngitian sa isa't isa. Nilapitan niya kaagad ang duguang biktima at kanyang nakumpirma na si Jonah nga ito. Wala siyang malay.
Tiningnan niya ang grupo ng mga kalalakihan. Natalo ng galit ang kanyang takot.
"Tama na! Iwan nyo na siya!"
Napatawa ang lalaki sa gitna na may taas na 6'4" at matipuno.
"At kung hindi?" tanong niya.
Bigla na lamang may tumulak sa kaniya na ikinatumba niya. Nalaglag ang kanyang journal at nagliparan ang mga pahina nito sa kalye.
Nagtawanan silang lahat. Nakuha niyang tumayo at dali-daling tumakbo papunta sa may eskinita. Hinabol siya ng mga ito.
Sa mga dati niyang eskwelahan ay kasali siya sa mga atleta ng track. Siya ang tinuturing na pinakamabilis. At sa pagkakataong ito ay naalala niya ang mga panahong iyon.
Hindi siya maabutan ng mga lalaki.
Lumingon si Caitlin at nakita niyang malayo ang pagitan nila sa kanya. Kailangan lamang na pumili siya ng tamang kalye na lilikuan para tuluyan siyang makawala.
Ang eskinita ay nagtatapos sa korteng T. Kailangan niyang kumaliwa o kumanan. Ngunit hindi niya kita kung ano ang meron sa alinmang kalye na kanyang piliing likuan. Nagdesisyon siyang kumaliwa. Pinagdadasal niya na sana'y tama ang kaniyang napili. Sa kasawiang palad ay wala na pala siyang mapupuntahan dahil hanggang doon na lamang ang kalye.
Pinagmasdan niya ang pader, naghahanap ng pwedeng labasan. Ngunit wala. Ang tanging nagawa niya ay humarap sa mga padating na kalalakihan.
"Ngayon ay magsisisi ka. Pahihirapan ka namin" sabi ng isa.
Huminga ng malalim si Caitlin. Inisip niyang gisingin sa isip si Jonah na dumating doon na may lakas at handa siyang sagipin. Ngunit walang dumating kundi ang mga papalapit na magsasalakay.
Naisip niya ang matinding galit niya sa